Content-Length: 96048 | pFad | https://tl.wikipedia.org/wiki/Bumbero

Bumbero - Wikipedia, ang malayang ensiklopedya Pumunta sa nilalaman

Bumbero

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang lalaking bomberong nakasakay sa isang trak ng bombero sa Pilipinas.

Ang mga bombero[1] (Ingles: firefighter, fireman) o bumbero (mas popular na baybay) ay mga tagapagligtas o manliligtas na pangunahing malawak at masaklaw ang pagsasanay hinggil sa pagpatay ng mapanganib na mga apoy o sunog na makakasalanta ng mga populasyon sibilyan at pag-aari, pati na sa pagliligtas ng mga tao mula sa mga insidente o aksidenteng pangkotse o iba pang mga sasakyan at nasusunog na mga gusali, at iba pang mga kalagayan. Ang tumataas na kompleksidad o kasalimuotan ng makabagong buhay na industriyalisado o pang-industriya na may mataas na sukat ng mga panganib ay lumikha ng isang pagtaas sa mga kasanayang kailangan sa teknolohiya ng paglaban sa sunog at isang paglawak o paglaki ng pasahod para sa mga bomberong tagapagligtas. Paminsan-minsang silang nagbibigay ng serbisyong medikal na pang-emerhensiya, sapagkat sinanay sila na magbigay ng pangunahing lunas at kasanayang panggagamot. Ang tanggapan ng bombero, palingkuran ng bombero, serbisyo ng bombero, o palingkuran ng bombero at pangligtas, na nakikilala rin sa ibang mga bansa bilang brigada ng bombero, kagawaran ng bombero, o departamento ng bombero, ay isang uri ng mga paglilingkod na pangsakuna o pang-emerhensiya. Ang paglaban o pagtupok ng apoy at mga bombero ay naging nasa lahat ng mga pook sa buong mundo, mga pook sa kalikasan na lumalaban sa mga sunog sa kagubatan at sa mga damuhan, at nakasakay sa mga barko at iba pang mga sasakyang pandagat o pangtubig.

Ang mga bombero, kapag walang sakuna, ay karaniwang namamalagi sa isang himpilan ng bombero o estasyon ng bombero. Ang mga bombero ay naglilingkod sa ilalim ng kagawaran ng bombero, kawanihan ng bombero, o departamento ng bombero. Ang mga paramediko o isang pang-emerhensiyang medikal na teknisyan (emergency medical technician o EMT sa Ingles) ay ilan sa mga tauhan nagtatrabaho para sa mga kawanihan ng bombero na karaniwang may pagsasanay na makapagbigay ng pangunahing lunas at karaniwang nakasakay sa mga ambulansiya. Karamihan sa mga kawanihan ng bombero ang mayroong mga ambulansiya upang makapagdala at makapaglipat ng mga taong may sakit at nasalanta o nasugatan. Ang mga trak ng bombero ay nagpupunta rin sa mga sakunang pangmedisina dahil maaaring mas malapit sila sa lugar ng aksidente at maaaring makapagbigay ng pangunahing lunas bago makarating ang isang ambulansiya. Ang isang trak na pambumbero ay karaniwang nagdadala ng katulad na kagamitang nasa loob ng isang ambulansiya. Ang mga kawanihan ng bombero ay maaaring magsagawa rin ng paghahanap at pagliligtas ng mga taong hindi matagpuan.

Ang mga bombero ay mayroong mga sasakyan na ginagamit nila sa pagsugpo ng sunog o makapatay ng apoy at para sa mga operasyon o gawain ng paghahanap at pagliligtas. Ang mga trak ng bombero ay nakapagbobomba ng tubig at bula upang makapagsugpo at makapatay ng sunog, ngunit mayroon ding kagamitan para sa pagliligtas sa kalagayang mayroong nasalanta o nawasak na sasakayan, paghahanap at pagliligtas ng mga tao, para sa sitwasyong may hindi umaandar na elebador at mayroong mga taong nasa loob nito, at iba pang mga kasangkapan.

Ang mga bombero ay kailangan magsuot ng mabibigat na mga kasuotan na nagpuprutekta sa kanila mula sa pagkadarang sa init kapag nakikipaglaban sila sa apoy ng sunog.

  1. Diksiyonaryo.ph. "bombero". Komisyon sa Wikang Filipino. Nakuha noong 2019-04-09. tao na may tungkuling umapula ng sunog : FIREMAN








ApplySandwichStrip

pFad - (p)hone/(F)rame/(a)nonymizer/(d)eclutterfier!      Saves Data!


--- a PPN by Garber Painting Akron. With Image Size Reduction included!

Fetched URL: https://tl.wikipedia.org/wiki/Bumbero

Alternative Proxies:

Alternative Proxy

pFad Proxy

pFad v3 Proxy

pFad v4 Proxy