Pumunta sa nilalaman

Himagsikang Pangkalinangan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Cultural Revolution)
Ang "Munting Pulang Aklat" na nasa wikang Ingles.

Ang Dakilang Proletaryanong Himagsikang Pangkalinangan (Intsik na pinapayak: 无产阶级文化大革命, Intsik na pangkaugalian: 無產階級文化大革命, Pinyin: Wúchǎn Jiējí Wénhuà Dàgémìng, literal na "Dakilang Proletaryanong Himagsikang Pangkalinangan"); pinaiiksi sa Intsik bilang 文化大革命 o 文革, na nakikilala rin bilang payak na Himagsikang Pangkalinangan, Rebolusyong Pangkultura, o Rebolusyong Kultural, ay isang panahon ng malaking pagbabagong pangkultura sa Republikang Popular ng Tsina, na sinimulan ng pinunong si Mao Zedong. Naganap ito mula 1966 hanggang 1976.[1]

Ang simula ng Rebolusyong Pangkultura ay nang tinangka ni Mao na alisin ang mga kapitalista (mamumuhunan) mula sa Partidong Komunista ng Tsina, ang partidong na nangangasiwa sa Tsina. Upang masubukan at magawang tanggalin ang mga mamumuhunan, sinimulan niya ang Kilusan ng Edukasyong Sosyalista. Nagsimula ito noong 1962 at nagwakas noong 1965. Sa gayon ding panahon, ang isang muling pagbago ng sistemang pampaaralan ang nakatiyak na ang mga mag-aaral ay nakakaya ding makapagtrabaho sa mga pabrika at mga komuna. Mabagal na muling nabawi ni Mao ang kapangyarihan noong 1965, na sinusuportahan nina Lin Biao, Jiang Qing, at Chen Boda.[1]

Nahati ang Partidong Komunista sa pagitan ng mga kasamahan ni Mao at sa mga kasama ni Deng Xiaoping. Si Deng Xiaoping ay isang kaagaw ni Mao sa larangan ng pamumuno. Pagkaraan ay tinangka ni Mao na makuha ang pagtangkilik ng mga kabataan ng Tsina sa pamamagitan ng paglikha ng aklat na Mga Sipi mula kay Tagapangulong Mao Zedong (na nakikilala rin bilang ang Munting Pulang Aklat), isang kalipunan ng mga kasabihan ni Mao.[1] Pinatanyag din ang Pulang Tanod (Pulang Bantay), isang pangkat ng mga kabataan sa Tsina na nagpapakalat ng mga kasabihan ni Mao. Binubugbog din nila ang mga tao na hindi sumasang-ayon kay Mao at nagwasak ng mga tahanan at mga museo.[2] Nagkaroon ng maraming mga pag-aawayan, at humarap ang Tsina sa anarkiya.[1] Habang nagaganap ang himagsikan, ilang mahahalagang mga tao sa Tsina ang napilitang lumisan. Kabilang sa mga taong ito sina Liu Shaoqi, puno ng estado, at Deng Xiaoping, ang sekretaryo-heneral ng Partidong Komunista ng Tsina.[3]

Nagsimulang bumagal ang Himagsikang Pangkalinangan noong 1967, at nagwakas noong 1969. Ang Ika-9 na Pambansang Kapulungan ng Partido ay isang pagpupulong kung saan ipinahayag ang pagtatapos ng Himagsikang Pangkalinangan.[1]

Nagdulot ang Rebolusyong Pangkultura ng maraming mga suliranin sa Tsina. Bumaba ang produksiyon sa mga pabrika dahil sa mga gawaing pampolitika ng mga manggagawa. Bumaba rin ito dahil sa ang mga taong inilagay na mangasiwa ng mga pabrika ay walang kaalaman sa pagpapatakbo ng mga ito. Naging malubha ang kalagayan ng transportasyon dahil marami sa mga tren ay ginamit upang dalhin ang mga Pulang Bantay sa kabuoan ng bansa. Maraming mga siyentipiko at mga inhinyero ang ibinilanggo o ipinadala upang magtrabaho sa mga sakahan, na nangahulugang nawala ang kanilang mga kaalaman. Dahil sa mga pagbabagong ito, nabawasan ang dami ng nilalabas na produktong pang-industriya ng Tsina nang 14 na bahagdan.[4]

Naputol din ang edukasyon ng maraming mga Intsik. Ang sistema ng edukasyon ay mas naantala sa mga lungsod kaysa sa mga nasa kanayunan. Isinara ang maraming mga pamantasan at mga paaralan. Naabala rin ang edukasyon ng isang programang tinatawag na "kabataang ipinadalang paibaba" (sent-down youth). Sa programang ito, ang mga kabataan ay ipinadala mula sa mga lungsod papunta sa mga nayon.[5]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 People's Republic of China: III. Nakuha noong 2009-09-12.
  2. Red Guards. Naka-arkibo 2009-04-16 sa Wayback Machine. ThinkQuest. Nakuha noong 2009-09-12.
  3. Butterfield, Fox (1976-09-10), Mao Tse-Tung: Father of Chinese Revolution, nakuha noong 2009-09-12
  4. /r-2713.html China: Events During the Cultural Revolution Decade, 1966-76. Nakuha noong 2009-09-12.
  5. Giles, John; Park, Albert; Wang, Meiyan (Abril 2007), The Great Proletarian Cultural Revolution, Disruptions to Education, and Returns to Schooling in Urban China (PDF), inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2010-06-09, nakuha noong 2009-09-12
pFad - Phonifier reborn

Pfad - The Proxy pFad of © 2024 Garber Painting. All rights reserved.

Note: This service is not intended for secure transactions such as banking, social media, email, or purchasing. Use at your own risk. We assume no liability whatsoever for broken pages.


Alternative Proxies:

Alternative Proxy

pFad Proxy

pFad v3 Proxy

pFad v4 Proxy