Huling Paalam
Ang Mi último adiós o Huling Paalam ay isang tulang likha ng pambansang bayani ng Pilipinas na si Jose Rizal. Isinalin ang orihinal na nasusulat sa wikang Kastila sa mga pangunahing wika ng daigdig tulad ng Ingles, Pranses, Aleman, Italyano, Nippongo, Malayo, at marami pang iba. Gayon din, naisalin din ito sa iba’t ibang wikain sa Pilipinas, tulad ng Tagalog, Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, Bikol, Sugbuanon, Hiligaynon, at iba pa.
Kasaysayan ng Tula
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hindi matiyak kung kailan isinulat ni Jose Rizal ang kahuli-hulihang tulang ito. Ayon sa tradisyunal na paniniwala, sinasabing isinulat ito ni Rizal ng gabi ng bisperas ng pagbaril sa kanya, Disyembre 29, 1896. Ngunit ayon sa mga tala, si Rizal ay maraming ginawa noong mga huling araw ng kanyang buhay. Marami siyang tinanggap na bisita: ang kanyang mga kapatid, ang asawang si Josephine Bracken at ang mga prayleng humihimok sa kanya na isagawa ang pagbawi o retraksiyon. Sinasabi pang ibinigay niya ito sa kapatid niyang si Trinidad na dumalaw sa kanya noong hapon ng Disyembre 29. Samakatuwid ay hindi niya isinulat ang tula kinagabihan ng bisperas at mismo noong araw ng kanyang pagbaril.
Hindi pinangalanan ni Rizal ang tula. Bunga ito ng kaliitan ng papel na kanyang pinagsulatan na may sukat lamang na 15-1/2 sentimetro at 9-1/2 sentimetro ayon kay Mauro Garcia. Nawalan ng sapat na espasyo ang papel kaya't ito'y hindi na nalapatan pa ng pamagat bukod sa kailangan talagang liitan ni Rizal ang pagsusulat niya sa tulang may 14 na saknong na nasusulat sa wikang Kastila.
Si Mariano Ponce ang kauna-unahang naglagay ng pamagat sa tula na tinawag na "Mi Ultimo Pensamiento" nang iyo'y kanyang ilathala sa Hong Kong noong 1897. Sa tulong ni Jose Maria Basa ay ipinakalat ni Ponce ang tula at ipinamigay sa mga kababayan at kakilala ang mga sipi nito.
Si Padre Mariano Dacanay ang naglapat ng Mi último adiós bilang pamagat ng nasabing tula noong ito'y kanyang matanggap at mabasa habang siya'y nakakulong sa Bilibid, Maynila. Ang kanyang ginawang paglalapat ay inilathala sa pahayagang "La Independencia" noong Setyembre 25 1898.
Ang orihinal na sipi ng tula na ibinigay ni Rizal sa kapatid niyang si Trinidad ay napapunta naman kay Josephine Bracken. Dinala ni Josephine ang tula ng magpunta siya sa Hong Kong. Nang mamatay si Josephine ay nawala ang orihinal na kopya. Ito'y hinanap ng Pamahalaan ng Pilipinas at natagpuan sa isang taong tagaroon na humingi ng kaukulang bayad (1000 piso) upang ibigay niya ito sa pamahalaan. Nagbayad nga ang pamahalaan at ito ay naibalik sa Pilipinas.
Naisalin ang tula sa kauna-unahang pagkakataon sa Kapampangan ni Monico Mercado noong Enero 1897 at ang sa Tagalog naman ay si Andres Bonifacio. Ilan naman sa mga tanyag na salin ng tulang ito sa wikang Tagalog ay isinagawa nina Pascual H. Poblete at Julian Balmaceda. Sa mga dayuhang wika naman, una itong nasalin sa Aleman samantalang may mahigit na 25 salin ang tulang ito sa Ingles.
Habang nagaganap ang Digmaang Pilipino-Amerikano ay pinag-uusapan sa Kongreso ng Amerika kung makatwiran bang sakupin ang Pilipinas. May nagpanukalang dapat upang mabigyan ng edukasyon ang mga "barbarong" Pilipino. May isang kinatawan ang tumutol at binasa ang Huling Paalam ni Jose Rizal (salin sa wikang Ingles ni Charles Derbyshire na pinamagatang "My Last Farewell") upang patunayang hindi barbaro ang mga Pilipino (dahil sa galing ng pagkakasulat ng tula) at lalong hindi dapat sakupin ang Pilipinas.
Mga sipi at salin
[baguhin | baguhin ang wikitext]Narito ang sipi ng Mi Ultimo Adios o Huling Paalam na isinulat ni Jose Rizal. Mababanaag sa ibaba ang orihinal na pagbabaybay nito sa wikang Kastila at ang isinalin sa Tagalog ni Jose Gatmaitan na matatagpuan sa Liwasang Rizal[1].
Orihinal (Kastila) | Filipino (Tagalog) |
---|---|
Adios, Patria adorada, region del sol querida, |
Paalam, sintang lupang tinubuan, |
Mga Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bibliyograpiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Mauro Garcia (1961). 'Translations of Mi Ultimo Adios,' in Historical Bulletin Manila. Philippine Historical Association.
- Multiple Authorship (1990). Mi Ultimo Adios in Foreign and Local Translations (2 vol). National Historical Institute.
- Hilario, Frank A (2005). indios bravos! Jose Rizal as Messiah of the Redemption. Lumos Publishing House.
- Tomas C. Ongoco (2005). El Filibusterismo (includes the copies of Mi Ultimo Adios in different language translations). Academe Publishing House, INC.
Mga Panlabas na Pahina
[baguhin | baguhin ang wikitext]1. Opisyal na Websayt ng Pambansang Bayani ng Pilipinas na si Jose Rizal
2. Orihinal na Manuskrito ng Mi Ultimo Adios Manuscript
3. Makabagong Salin sa Ingles ni Edwin Agustín Lozada, Mayo 2001
4. Makabagong Salin sa Ingles ni Víctor Eliazo, Nobyembre 1998 Naka-arkibo 2006-10-26 sa Wayback Machine.